CLICK HERE FOR BLOGGER TEMPLATES AND MYSPACE LAYOUTS »

9.26.2007

Una

Naghihintay ka pa rin ba, o napagod ka na? Kasi pilit kitang nililimot, di ko naman magawa.
Nakatatak ka na nga ata dito eh. Ewan ko ba. Nangungulila ako sa dati mong pagkatao;
ang dati mong ugali at ang dating ikaw. Nawala na ba lahat iyon? Napalitan ka na ba ng
isang taong di ko man lang kilala? Sa panaginip ko nandoon ka. Bakit ba kasi? Wala naman
akong ginagawang masama sa iyo pero ginaganito mo ako. Di mo lang alam, nasasaktan pa rin ako.
Kahit wala na ang dati, may hapdi pa rin. Nakita na natin kung sino ang unang bumitiw, kung sino
ang tumupad at nagpako ng mga pangakong dati nating binitawan. Siguro ako, siguro ikaw.
Pero bigla na lang nag-iba ang lahat. Ano na nangyari sa iyo? Ngayon ginugugol ko ang oras ko
para lang isulat ito. Sabagay, importante ka naman eh. Mga pangakong walang napuntahan,
walang pinatunguhan. Naglaho na lang bigla sa hangin at ulap. Nakalulungkot isiping wala na
talaga. Nabura na ang lahat, nawala. Di na nga siguro maibabalik pa ang noon. Ngayon na lang
at bukas ang mayroon. Mga binitawang salita na dati'y may malaking importansya't kahulugan.
Butil ng mga luhang lumaya mula sa ating mga mata. Di man nakikita ng iba, alam nating atin
lamang ang mundo ng mga pagkakataoong iyon. Lungkot at saya, galak at tuwa, kilig at ngiti,
inis at pag-unawa; bahagi ang mga ito sa isa sa mga pinakamatamis na kabanata ng aking buhay.
Bata pa lang tayo noon at medyo mura pa ng kaunti ang isip. Di pa alam kung ano ba talaga ang
tunay na ibig sabihin. Ngunit alam nating nararamdaman natin iyon, alam natin na nararamdaman
natin ay tama. Gusto kong isigaw at ipamukha sa iyo na: "ISA KANG MALAKING KAWALAN SA BUHAY KO!"
Di ko maikakailang isa kang napakalaking "sayang". Isang panghihinayangan na kahit kailan, di na
maibabalik pa. Kung akala mo nakalimutan ko na ang lahat-lahat, nagkakamali ka. Binabalik-balikan
ko pa rin itong kakaunti mong natitirang alaala. Susubukan ko na lang na di magpadala sa kahit anong
emosyon na maari kong maramdaman ngayon. Pipilitin ko na ang sarili ko na kalimutan ka. Sana ito
na ang huli kong pagpaalam sa masakit na kahapon at ang huli kong pagsabi na "paalam, sinta."

0 comments: