CLICK HERE FOR BLOGGER TEMPLATES AND MYSPACE LAYOUTS »

8.11.2007

Kayumanggi Pa Rin Ba?

Kayumanggi Pa Rin Ba?
By: Ayana Alica O. De Ocampo
“Okay”, “Gotta go na”, “There lang, sa may kanto”, “Musta na u?”, “I’m fine naman”. Kaunti lang ang mga ito sa maraming pruweba na unti-unti nang bumabagsak at nawawala ang ating pagka-Pilipino. Ang pinaka pundasyon ng isang bagay na ipinaglaban noon ng ating mga ninuno—ang Pilipinas at ang ating wika. Matagal-tagal ding panahon ang lumipas bago tayo nakalad sa sarili nating mga paang noon ay nakatanikala at kulong sa kultura at mga paniniwalang di naman atin. Sari-saring mga lengwahe noon ang sumaplot sa ating hubad at hilaw na wika. Nahaluan tayo ng pagkadayuhan at hanggang ngayon, dala-dala na natin ito sa ating galaw, kilos, ugali, paniniwala at paraan ng pakikipagtalastasan. Nakikipag-indakan tayo sa galaw at daloy ng impluwensiya ng makabagong pamumuhay. Di natin namamalayang, nabubura na ang isang bagay na dapat ingatan dahil ito ang humubog sa ating bansa—ang wikang Filipino.

Oo, Pilipino tayo at ginagamit natin ang wikang Filipino. Ngunit isinasapuso pa ba natin ang bawat salitang lumalabas sa ating bibig? Ni hindi na nga maikubli na ikinahihiya natin ang pagsalita ng diretsong Filipino dahil alam nating magiging katawa-tawa tayo sa pandinig ng iba. Sinasabi nila mas maganda raw ang Ingles kaysa sa wikang Filipino. Ang wika na kinamulatan natin, unti-unting nababasura at natatapak-tapakan sa sarili nitong pinagmulan. Nakakalimutan, nadudungisan, at nabubura ang wikang dapat ay mas pinalalago at pinapahalagahan. Mahalin natin ang ating wika. Pahalagan at bigyan importansya dahil di natin namamalayan, nag-iiba na ang ating kulay. Tatanungin natin balang araw sa ating mga sarili:”Kayumanggi pa rin ba?”.

1 comments:

t3plus2 said...

mahirap sabihin, hindi kasi kayumanggi kulay ng balat ko eh. XP