Paglisan
by: Ayana Alica O. De Ocampo
Iwan mo na lang ang mga alaala sa himpapawid
Hayaan itong lumipad at mawala sa kataasan ng langit
Hayaan mo na lang tumulo ang tubig-alat na nanggagaling sa iyong mata
Kalimutan mo na ang sakit na unti-unting pumupunit sa iyo, sinta
Ngunit ang ating pagkaway ng pamamaalam noon, 'wag mong limutin
Hayaan mo lang manatili sa iyong utak, nakatanim
At aanihin yaon sa panahon ng paggugunam-gunam
Upang kahit papaano, may magsisilbing tulay sa ating dalawa
Alalahanin mo ang mga panahong nakabibinging katahimikan lang ang pumapagitna sa atin
Habang tayo'y nakatingala, nakatitig sa daan-daang bituing kumikislap sa maitim na gabi
Alalahanin mo ang mga araw na tayo'y magkahawak at parang sa isa't-isa'y di na bibitiw
Habang kumakaskas ang ating mga talampakan sa magaspang na buhangin
Sa ilalim ng puno, isang lugar na umaapaw sa mga pangako
Na di magmamaliw, at kailanman, di maglalaho
'Wag mong kalimutan ang huli kong yakap, halik, ang huling ngiting 'sing kulay ng bahaghari
Na sa mundo ko at sa mundo mo'y nagpatigil ng kahit ilang saglit
Hayaan mong lumabas ang mapanglaw mong pagtangis
At bayaan itong makibahagi sa musikang nagagawa ng pag-ihip ng hangin
Sisikat ang araw at lulubog ang buwan ng di mabilang-bilang na pagkakataon
Hayaan mo na lamang ang mga alaalang lumipad at sa himpapawid maglaon




































0 comments:
Post a Comment